Tuesday, April 7, 2009

Ala-ala


Ala-ala

Sa pag-usbong ng bawat talulot ng panahon
Di na alintana ang mga tuyot na dahon
Na isa-isang nalalagas mula sa tangkay ng orasan.

Kung sa tangkay ng panahon ay may usbong na sumisibol
Kailangang ang tuyot na dahon ay mapigtas at mawala
Upang ang bagong supling ay tumubong malaya.

Di ba ang pagkatuyo at pagkalagas ng daho’y
Pagbibigay pag-asa upang ang buhay ay magpatuloy
Ngunit sukdulan bang ang lahat ay limuting tuloy?

Ang magagandang umagang sumisilang
Na sa durungawa’y walang pagod na sumisilay
Nagbubukal ng sigla, sa pag-asa’y bumubuhay.

Ngunit sa pagsapit nito sa kaniyang kanlungan
Maging sa mainit na dampi ng sinag sa kaluluwa
Walang ni isang diwa ang sa dulot nya’y makaalala.

Bawat pintig ng panahon
Ay tila baga buntong hininga
Na kusang lumilipas kapagdaka.

Maraming paa ang tumindig upang lumaban
Lumangoy pataliwas sa agos hanggang kamatayan
Ngunit bakit tila lahat ay nabaon lamang sa limot’ na ala-ala.

Di na ba mahalaga ang matutong lumingon sa nakaraan
Wala na bang saysay ang bawa’t piraso ng ala-ala
Kapag ito’y lumipas na, nawawala na rin ba ang halaga?

Sana ay hindi, pagka’t nakaara’y puspos ng yaman
Tigib ng pagmamahal, ng inialay na pagpapakasakit
Na dapat na ipagpasalamat, dapat na pinagyayaman.

D’sdrippingmind
8th of April 2009

2 comments:

  1. I cannot read this language, but it looks beautiful as does your page. I found your blog through Suryagni's blog, whom commented on a poemof mineon my other blog on Word Press. I do have one here, I'm just starting from the begining again there. I like your taste in art and how you present your work, it remings me of my own.

    Peace.

    ReplyDelete